Philippine National Police

National Capital Region Police Office

PBGEN DEBOLD M SINAS

PULIS, NAGBAHAGI NG ISANG BUWANG SAHOD SA MGA HIJOS NG QUIAPO CHURCH

Sa kabila ng kontrobersyang kinahaharap ng Pambansang Pulisya sanhi ng trahedyang kinasangkutan ng isa sa kanilang hanay, nagbahagi si PSSG Franklin Kho ng Manila Police District ng isang buwan niyang sweldo upang makatulong sa mga hijos ng Quiapo Church.

Gamit ang nasabing halaga, bumili si PSSG Kho ng 15 kahon ng de lata at 9 na sako ng bigas at personal nya itong ibinahagi sa mga hijos.

Ang mga Hijos ng Quiapo Church ay mas kilala bilang Hijos del Nazareno sapagkat taon-taon nilang pinagsisilbihan ang poon tuwing ginugunita ang kapistahan nito.

Lubos ang pasasalamat ng mga Hijos sa kabutihang ipinamalas ni PSSG Kho lalo ngayong panahon ng krisis pangkalusugan dulot ng umiiral na pandemya.

Sa papalapit na buwan ng Enero, muli nanamang gugunitain ang isa sa pinakamalalaking pagtitipon ng mga de boto ng Poong Nazareno sa bansa at isa sa mga mangunguna sa nasabing paggunita ay ang mga Hijos ng Quiapo.

Ikinatuwa naman ng kasalukuyang Acting Regional Director ng NCRPO PBGEN VICENTE D DANAO JR ang pagkakawang gawang ipinamalas ni PSSG Kho.

“Lubos akong natutuwa sa ipinamalas na kabutihan ng ating kasamahan na nagbahagi ng kanyang sahod sa mga Hijos ng Quiapo na naapektuhan ng kasalukuyang krisis. Hindi matatawaran ang tulong na nagagawa ng mga hijos sa pagpapanatili ng kaayusan tuwing ginugunita ang kapistahan ng Poong Nazareno kung kaya’t marapat lamang na atin silang alalahanin sa ganitong mga pagkakataon. Isa nanaman itong patunay na hindi lahat pulis ay nalilihis ng landas.” -PBGEN DANAO JR.